Wednesday, December 7, 2011

Bahagi ng Aklat


Pabalat – ito ang takip ng aklat. Karaniwan itong may matingkad na larawan upang makatawag pansin sa mambabasa.

Pahina ng Pamagat – nakasaad dito ang pamagat ng aklat at pangalan ng may-akda nito.

Pahina ng Karapatang-ari – makikita sa bahaging ito kung sino ang nagpalimbag ng aklat at kung kailan ito ipinalimbag.

Paunang Salita – nakasaad dito ang dahilan kung bakit isinulat ng may-akda ang aklat kasama ang paliwanag sa paggamit nito.

Talaan ng Nilalaman – makikita rito ang pahina ng bawat paksang tinatalakay sa aklat.

Katawan ng Aklat – makikita rito ang mga paksa at araling nilalaman ng aklat.

Glosari – nakatala rito ang mga kahulugan ng mahihirap na mga salitang ginamit sa aklat.

Bibliograpi – nakatala rito ang pangalan ng manunulat at aklat na pinagkunan ng may-akda ng ilang mahahalagang impormasyon.

Indeks – nakasulat dito ang pangalan, mga paksa na nakaayos nang paalpabeto, at ang pahina kung saan ito matatagpuan sa aklat.

Wednesday, November 23, 2011

Iba't ibang Sanggunian

ATLAS
Ito ay aklat ng mga mapa na nagsasaad ng lawak, distansya, at lokasyon ng mga lugar. Ipinakikita rito ang mga anyong-tubig at anyong lupa na matatagpuan sa isang lugar.

DIKSYUNARYO
Ito ay aklat na nagsasaad ng pagbabaybay, pagbigkas, pagpapantig, at bahagi ng pananalita na kinabibilangan ng salita. Maaari rin itong magbigay ng iba’t ibang mga kahulugan ng isang saita. Nakahanay nang paalpabeto ang mga salita rito.

ALMANAC
Ang almanac ay aklat na naglalaman ng kalendaryo ng mga araw sa isang taon na kinasusulatan ng mga oras sa iba’t ibang mga pangyayari at katotohanan tulad ng anibersaryo, pagsikat at paglubog ng araw, pagbabago ng buwan, pagtaas at pagbaba ng tubig, at iba pa. 

ENCYCLOPEDIA
Ang encyclopedia ay aklat ng kalipunan ng mahahalagang impormasyon tulad ng ekonomiya, teknolohiya, kabuhayan, edukasyon, pulitika, at iba pa. Makikita rin dito ang mga artikulong nagsasaad ng katotohanan sa isang tao, bagay, pook, o pangyayari.


Kayarian ng Pangngalan



May apat na uri ng pangngalan ayon sa kayarian.

Payak ang pangngalan kung ito ay isang salitang-ugat lamang.
         
         
Maylapi ang pangngalan kung ito ay binubuo ng salitang-ugat at panlapi.
         
      
Inuulit ang pangngalan kung ang kabuuan o ang bahagi nito ay inuulit. Ang pag-uulit na di-ganap ay pag-uulit lamang ng bahagi ng pangngalan.
         
          Samantala ang pag-uulit na ganap ay pag-uulit nang buong pangngalan.



Tambalan ang pangngalan kung binubuo ng dalawang magkaibang salita na pinag-iisa. May mga pangngalang tambalan na nananatili ang kahulugan ng mga salitang pinagtatambal o tambalang di-ganap. Mayroon namang nawawala ang kahuluhan ng dalawang salitang pinagtatambal at nagkakaroon ng bagong kahulugan ang nabuong pangngalan o tambalang ganap.

          

Konkreto at Di Konkretong Pangngalan


Ang mga pangngalan ay maaaring ipangkat kung ito ay kongkreto o di kongkreto.

Kongkretong pangngalan - ay mga pangngalang nahahawakan,   nasasalat, naririnig o nakikita.

         
Di kongkretong pangngalan – ay mga pangngalang nararamdaman.


Tuesday, October 25, 2011

Kaantasan ng Pang-uri


Ang pang-uri ay mga salitang nagsasaad ng katangian o uri ng tao, hayop, bagay, lugar, at pangyayari. May iba’t ibang kaantasan ang pang-uri. Ang mga ito ay lantay, pahambing, at pasukdol.

Lantay – naglalarawan ang pang-uring lantay ng isang pangngalan o panghalip.


Pahambing - nagtutulad ang pahambing na pang-uri sa dalawa o higit pang pangngalan o panghalip. May dalawang uri ng pahambing na pang-uri.

          a. Pahambing na magkatulad. Ipinakikilala ito ng mga panlaping ka-, ga-, sing-, kasing-, magkasing-, magsing-. Ipinapakilala ang  magkapantay na katangian ng dalawang bagay na pinaghahambingan.


          b. Pahambing na di magkatulad. Ito ay kung hindi magkapantay ang  katangian ng pinaghahambingan. Ginagamitan ito ng mga salitang higit, lalo, mas, di gaano, at tulad.

      
Pasukdol – ang pasukdol na antas ng pang-uri ay katangiang  namumukod o nagngingibabaw sa lahat ng pinaghahambingan.

          

Wednesday, October 12, 2011

Wikang Espanyol sa Wikang Filipino


Malaki ang naging impluwensiya ng mga mananakop sa ating bansa. Hindi lamang sa kultura kundi maging sa ating wika. Maraming salita sa wikang Filipino ang nagmula sa wikang Espanyol. Bagamat mula sa kanila ang orihinal na salita, ginamit ito ng mga Pilipino ayon sa sariling kayarian ng ating wika.

Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

apellido – apelyido
cuenta – kwenta
siempre – siyempre / syempre
labios – labi
lunar – nunal

fiesta – pista
 
muňeca – manika

toalla – tuwalya

Tula


Ang tula ay kathang isinusulat ng isang makata. Ito ay buhat sa tunay na karanasan o imahinasyon ng isang makata.

Binubuo ang tula ng saknong at taludtod. Karaniwan itong may wawaluhin, lalabindalawahin, lalabing-animin, at lalabing-waluhing pantig. Matalinghaga at ginagamitan din ng tayutay. Ang tula ay mayroon ding tugma at sukat.

Ang tugma ay tumutukoy sa pagkakapareho ng huling tunog o titik ng salita sa bawat taludtod.

Dalawang Uri ng Tugma:
Ganap – kapag magkakapareho ang tunog at titik ng huling salita sa bawat taludtod.

Di ganap – kapag magkapareho lamang ng tunog ang huling salita sa bawat taludtod.


Matalinhagang Pahayag


Ang wikang Filipino ay puno ng mga matatalinghagang pahayag. Ang mga matatalinhagang pahayag ay may malalim o hindi tiyak na kahulugan. Sinasalamin ng paggamit nito ang kagandahan at pagkamalikhain ng wikang Filipino.

Narito ang ilan pang halimbawa ng matatalinghagang pahayag at ang kahulugan ng mga ito.

Matalinghagang Pahayag                    Kahulugan

1. balitang kutsero                               hindi totoo
2. bugtong na anak                             kaisa-isang anak
3. kabiyak ng dibdib                            asawa
4. ilista sa tubig                                   kalimutan na
5. lakad-pagong                                  mabagal
6. magsunog ng kilay                          mag-aral nang mabuti
7. mababa ang luha                            iyakin
8. tulog mantika                                  mahabang oras ng pagtulog
9. nagtataingang kawali                       nagbibingi-bingihan
10. pinagbiyak na bunga                     magkamukha

Wednesday, September 21, 2011

Sugnay


Ang sugnay ay lipon ng mga salitang binubuo ng simuno at panaguri. Ito ay may dalawang uri ang sugnay na makapag-iisa at sugnay na di makapag-iisa.

Uri ng Sugnay

Sugnay na Makapag-iisa – lipon ng mga salitang may buong diwa. Tinatawag din itong payak na pangungusap.


Sugnay na Di Makapag-iisa – lipon ng mga salitang hindi buo ang diwa. Karaniwan itong pinangungunahan ng pangatnig.


Wednesday, September 7, 2011

Pang-abay

Ang pang-abay ay mga salitang naglalarawan o tumuturing sa pandiwa, pang-uri, o isa pang pang-abay.

Uri ng Pang-abay

Pang-abay na Kataga o IngklitikIto ay sumusunod sa unang salita ng kayariang kinabibilangan.

Pamamaraan Ito ay nagsasaad ng kilos na sumasagot sa tanong na paano.

Panggaano Ito ay sumasaklaw sa dami o sukat na isinasaad ng pandiwa at sumasagot sa tanong na: gaano?

Pang-agamIto ay kapag nagbabadya ng pag-aalinlangan.

Pamanahon Ito ay nagsasaad ng panahon o oras at sumasagot sa tanong na: kailan?

PananggiIto ay nagsasaad ng pagtanggi o pagsalungat.

Panang-ayonIto ay nagsasaad ng pagsang-ayon.

PanlunanIto ay nagsasaad ng lunan o kinalalagyan.


Daw at Raw


            Ang daw at raw ay mga pang-abay na ingklitik. Ang mga katagang ito ay nagmula sa salitang Dao ng wikang Mandarin ng mga Tsino. Ito ay nangangahulugang Paraan ng Diyos. Sa kasalukuyan ito ay nangangahulugang pagsasabing muli ng isang pahayag na sinabi o narinig buhat sa ibang tao.

            Sa wika ang daw ay ginagamit kapag ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig. Ginagamit naman ang raw kapag ang sinusundang salita ay patinig.

         

Tuesday, August 30, 2011

Pang-ukol


Ang pang-ukol ay tumutukoy sa pinagmulan , patutunguhan, kinaroroonan o kinauukulan ng kilos, gawa, balak o layon. Iniuugnay ng pang-ukol ang mga pangngalan o panghalip sa ibang salita sa pangungusap.

Ang pang-ukol na sa ay ginagamit para sa mga pangngalang pambalana samantalang ang pang-ukol na kay at kina ay ginagamit para sa pangngalang pantangi.


sa                                                        ng                                hinggil sa / kay/ kina

para sa/ kay/ kina                          sa loob (ng)               dahil sa/ kay/ kina

alinsunod sa/ kay/ kina                sunod sa/ng             kasama ng (ni)

na wala/ nang wala/ nang may    ayon sa/ kay/ kina

laban sa/ kay/ kina                        labag sa/ kay/kina

tungkol sa/kay/ kina                     ukol sa/ kay/ kina

batay sa/ kay/ kina

Friday, August 26, 2011

Gamit ng Diksyunaryo


Ang diksyunaryo, diksiyunaryo, talahuluganan, o talatinigan ay isang aklat ng mga nakatalang mga salita ng isang partikular na wika. Ang ayos nito ay ayon sa pagkakasunud-sunod ng titik ng alpabeto. Nakatala rin dito ang mga kahulugan ng salita, maging ang mga etimolohiya o pinagmulan ng salita, mga pagbigkas (diksyon), at iba pang mga impormasyon.

Upang mapadali ang paghahanap sa isang salita, makatutulong ang mga pamatnubay na salita na matatagpuan sa itaas ng bawat pahina. Ang pamatnubay na salita na nasa gawing kaliwa ay ang unang salita na makikita sa pahina. Ang nasa kanan naman ay ang huling salitang makikita sa pahina.

Wednesday, August 24, 2011

Pangatnig


Pangatnig ang tawag sa mga kataga o salitang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala o sugnay na pinagsusunud-sunod sa pangungusap. Ilan sa mga pangatnig ay ang at, o, maging, ngunit, subalit, bagaman, habang, samantala, samakatuwid, dahil, nang, sapagkat, kung, kaya, kahit, kapag at upang.


Monday, August 1, 2011

Nagsasalungatang Salita


Marami tayong mga nagsasalungatang salita sa wikang Filipino. Isa itong paraan upang lumawak ang ating talasalitaan. Ang mga nagsasalungatang salita ay makakatulong upang makabuo tayo ng pangungusap.


malapad – malaki ang sukat na pahalang sa haba
makipot – kalagayang makitid

          
likas – katutubo at natural
artipisyal – gawa-gawa lamang

          
matingkad – matindi ang kulay
mapusyaw – kulang sa kulay

           
sariwa – bago pa lamang
bilasa – sira na o bulok (isda)

            

Monday, July 18, 2011

Wikang Tiruray


Ang mga Tiruray ay pangkat-etniko na matatagpuan sa Maguindanao at Sultan Kudarat. Pangunahin nilang ikinabubuhay ang pagsasaka, pangangaso, pangingisda, at paghahabi ng mga basket. Malaking bahagdan ng kanilang populasyon ay patuloy pa ring isinasagawa ang kanilang katutubong kaugalian at mga ritwal.

Wikang Tiruray ang tawag sa kanilang wika. Kapansin-pansin sa kanilang wika ang paggamit ng titik F sa kanilang mga salita. Ilang halimbawa nito ay ang sumusunod:

fadi – kahoy na espadang ginagamit sa pagsasayaw ng mga Tiruray

fagafulan – tansong kahon na lalagyan ng apog at nganga

faguntang – uri ng bitag ng mga Tiruray na ginagamitan ng torso para   mahulog sa   matutulis na kawayan ang nasa bitag

falendag – manipis na kawayang may apat na butas na ginagamit na     instrumentong pangmusika ng mga Tiruray

fekon – tawag sa pagbibilad ng palay

fuyu – tawag sa sarong na ginagawang duyan ng bata

Thursday, July 14, 2011

Bahagi ng Pahayagan

Ang pahayagan ay naglalaman ng balita, impormasyon, at patalastas. Kadalasan itong inilalathala ng araw-araw o lingguhan. 

Mga Bahagi o Pahina ng Pahayagan

Pangmukhang Pahina – makikita rito ang pangalan ng pahayagan at ang mga pangunahin o mahahalagang balita.

Balitang Pandaigdig – mababasa sa pahinang ito ang mga balitang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Balitang Panlalawigan – mababasa rito ang mga balita mula sa mga lalawigan sa ating bansa.

Pangulong Tudling/ Editoryal – sa pahinang ito mababasa ang kuru-kuro o puna na isinulat ng patnugot hinggil sa isang napapanahong paksa o isyu.

Balitang Komersyo – dito mababasa ang mga balita tungkol sa kalakalan, industriya, at komersyo.  

Anunsyo Klasipikado – makikita rito ang mga anunsyo para sa iba’t ibang uri ng hanapbuhay, bahay, lupa, sasakyan, at iba pang kagamitang ipinagbibili.

Obitwaryo – ang pahinang ito ay anunsyo para sa mga taong namatay na. Nakasaad dito kung saan nakaburol at kung kailan ililibing ang namatay.

Libangan – ito ang pahina sa mga balita tungkol sa artista, pelikula, telebisyon, at iba pang sining. Naririto rin ang mga krosword, komiks, at horoscope.

Lifestyle – mababasa sa pahinang ito ang mga artikulong may kinalaman sa pamumuhay, tahanan, pagkain, paghahalaman, at iba pang aspeto ng buhay sa lipunan.

Isports – naglalaman ito ng mga balitang pampalakasan.

Wednesday, July 6, 2011

Ano'ng Trabaho Mo?


May mga hanapbuhay sa kasalukuyan na may ibang dating pangalan. Narito ang ilan sa mga ito:

Ang anluwagi ay gumagawa ng bahay at iba pang kasangkapang yari sa tabla o kahoy. Sa kasalukuyan tinatawag natin silang karpintero.

Ang abyador ay taong nagpapalipad ng eroplano sa himpapawid. Mas kilala sila sa tawag na piloto.

Ang kantero naman ang taong ang gawain ay nauukol sa paggamit ng semento. Sila ang tinatawag na mason sa ngayon.

Ang kansyonista ay taong ang hanapbuhay ay sumulat ng awit. Tinatawag natin sila ngayong kompositor.

Ang kosturera ay tawag sa mananahi ng damit. Sila ang mga tinatawag nating mananahi, modista, o sastre.

Bagaman


Ang bagaman ay pang-ugnay na nagpapahayag ng pagsalungat o pagkontras. Sa ingles, katumbas ito ng ‘although’. Ang pangatnig na bagamat ay hindi naiiba sa pang-ugnay na bagaman batay sa kahulugan maliban sa ang bagamat ay pinagsamang ‘bagaman’ at ‘at’.



Tuesday, June 28, 2011

Kaangkupan ng Salita

May mga salita sa Filipino na may kinaaangkupang kahulugan batay sa gamit nito sa pangungusap. Kaya naman kailangang maging maingat tayo sa pagpili ng mga salitang ating gagamitin sa pagpapahayag.

       
          Di-angkop: Iwasang magsalita kung may laman p.a ang bunganga.
          Angkop: Iwasang magsalita kung may laman pa ang bibig.


Monday, June 27, 2011

Ang mga Bagay-bagay


Maraming mga bagay na ating nakikita o di kaya ay ginagamit subalit hindi natin batid ang tawag sa mga ito. Kabilang dito ang mga sumusunod:

estutsebag o anumang lalagyan ng instrumentong ginagamit ng mga doktor.

lumbo – tabong inuman na yari sa bao ng niyog.

damahuwana – malaking boteng maikli at maliit ang leeg at karaniwang nababalutan ng      nilalang yantok. 

paleta – hugis-pusong haluan ng pintura ng mga pintor; kasangkapang ginagamit ng mga kantero sa pagpapantay ng semento.

ulabat – harang sa pinto na lampas-tuhod ang taas, upang hindi makalabas ang mga batang bago pa lamang nag-aaral lumakad.

Wednesday, June 22, 2011

Ingklitik

Maaaring magamit ang mga ingklitik sa pagbibigay ng iba’t ibang kahulugan sa pangungusap o palagay

Kumain muna sila bago umalis.
Kumain yata sila bago umalis.


Tuesday, June 21, 2011

Gamit ng Pangngalan

Alam nating ang pangngalan ay bahagi ng pananalita na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, hayop, lugar at pangyayari. Ngunit alam mo bang maaaring magkaroon ng iba’t ibang gamit ang pangngalan sa loob ng pangungusap?

Paksa – ito ang bahaging pinag-uusapan sa  pangungusap.


Kaganapang pampaksa – tumutukoy o nagbibigay-turing sa paksa . Pinangungunahan ito ng panandang ay kung nasa di karaniwang ayos ang pangungusap.


Tuwirang layon – ito ang bumubuo sa diwang ipinahahayag ng pandiwa at sumasagot sa tanong na ano.


Layon ng pang-ukol – ito ang pinaglalaanan ng kilos at ginagamit pagkatapos ng mga pang-ukol.

      

Pangngalang pamuno – tumutukoy sa nauunang pangngalan at nagpapaliwanang ng kahulugan nito.

        
Pangngalang panawag – ginagamit sa tuwirang panawag.

Monday, June 20, 2011

Pagbabalangkas

Ang pagbabalangkas ay maayos na pagtatala ng mga pangunahing kaisipan o paksa ayon sa pagkakasunud-sunod sa isang katha o seleksyon.

ANYO NG BALANGKAS

Papaksa – isinusulat ito sa anyong parirala
Pangungusap – isinusulat sa buong pangungusap

PARAAN SA PAGGAWA

  1. Hanapin o alamin ang pangunahing diwa ng buong seleksyon.
  2. Isulat ito bilang pinakapamagat ng balangkas
  3. Isulat ang pangunahing diwa ng bawat talata na bumubuo sa seleksyon.
  4. Gamitin ang roman numerals (I, II, III…) sa pagsulat ng pangunahing diwa o paksa.
  5. Gamitin ang malaking letra sa pagsulat ng unang salita at lahat ng mahahalagang salita ng bawat pangunahing diwa.
  6. Maglagay ng tuldok pagkatapos ng roman numerals at malaking letra.
  7. Isulat nang may pasok sa ilalim (indention) ng pangunahing diwa ang mga kaugnay na paksa.
  8. Gamitin ang malaking letra (A, B, C…) sa bawat kaugnay na paksa (sub topic).
  9. Gamitin ang arabic numerals (1, 2, 3…) sa unahan ng mga detalye na sumusuporta sa kaugnay na paksa.
10.Isulat ito nang may pasok sa ilalim ng kaugnay na paksa. Simulan   
     ito sa malaking letra.

Monday, June 13, 2011

Kasidhian ng Salita

Sa pag-aantas ayon sa kasidhian ng salita ang halakhak ang pinakamalakas na klase ng pagtawa ng isang tao. Sinusundan lamang ito ng hagikgik, tawa, ngiti, at ngisi na siya namang pinakamahinang klase ng pagtawa.



Kapit-Tuko

Ang kapit-tuko ay isang metapora na nangangahulugang kumapit nang mahigpit.

Halimbawa:

            Kapit-tuko ang bata sa saya ng ina habang namimili sa mataong
          pamilihan.

Wednesday, June 8, 2011

Sila, Nila, Sina, Nina, Kina

Ang sila at nila ay mga panghalip panao at hindi sinusundan ng pangngalan, samantalang ang sina, nina at kina ay pantukoy na maramihan at sinusundan ng pangalan ng tao.


Tandaan: Walang salitang kila kaya ito ay di-nararapat gamitin.

Tuesday, June 7, 2011

Uri ng Pangungusap Ayon sa Gamit

Ang pangungusap ay lipon ng mga salitang may buong diwa. May apat na uri ng pangungusap ayon sa gamit.

PASALAYSAY – ito ang uri ng pangungusap na nagkukwento o nagsasalaysay ng pangyayari. Ito ay nagtatapos sa tuldok.


PATANONG – ito ang uri ng pangungusap na nagtatanong at nagtatapos sa bantas na tandang pananong (?).


PAUTOS/PAKIUSAP – uri ng pangungusap na nag-uutos samantalang ang pakiusap ay pangungusap na nakikiusap o nakikisuyo.


PADAMDAM – uri ng pangungusap na nagpapahayag ng matinding  damdamin. Maaaring pagkatuwa, pagkabigla, pagkatakot o pagkalungkot. Ito ay nagtatapos sa bantas na padamdam (!).


Monday, June 6, 2011

Pinto at Pintuan


image from: closetsideas.com
Ang pinto ay bahagi ng gusali na isinasara at ibinubukas, samantalang ang pintuan ay ang espasyong dinaranan.
Halimbawa:
  1. Kumatok ka sa pinto bago ka pumasok.
  2. Maaaring idaan sa pintuan ang bagong biling sopa.

Sunday, June 5, 2011

Patalastas


image from: mukamo.com

Ang patalastas ay mabisang instrumento ng komunikasyon at gumaganyak sa tao na kumilos. Sa pamamagitan nito ay naipaaabot sa kaalaman ng marami ang isang nalalapit na mahalagang okasyon o pangyayari. Mababasa rito ang mahahalagang impormasyon tungkol sa isang pangyayari.

Uri ng Pang-abay

Pang-abay na Panlunan – tumutukoy sa lugar na pinangyarihan, pinangyayarihan o pangyayarihan ng kilos ng pandiwa.


Pang-abay na Pamanahon – nagsasaad kung kailan naganap, nagaganap o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa.


Pang-abay na Pamaraan – naglalarawan kung paano naganap, nagaganap o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.


Saturday, June 4, 2011

Salawikaing Filipino

Kapag may isinuksok,
may madurukot.

Aanhin pa ang damo,
Kung patay na ang kabayo.

Habang maiksi ang kumot,
Matutong mamaluktot

Kung ano ang puno,
Siya ring bunga.


Ang mga salawikain ay mga kasabihang nagpapahiwatig ng mga aral sa buhay, mga paniniwala at katotohanan. Sinasambit ito para gabayan ang mga kabataan sa mga kagandahang-asal.

Friday, June 3, 2011

Pang-uring Panlarawn at Pamilang

Ang pang-uri ay bahagi ng pananalita na nagbibigay katangian o naglalarawan sa pangngalan o panghalip.

Dalawang Uri:

Panlarawan – nagbibigay-katangian o naglalarawan sa hitsura, ugali,
                      kulay, hugis, amoy, lasa, o tunog ng isang pangngalan o
                      panghalip.

      
Pamilang – nagbibigay-katangian ito sa dami, bilang o halaga ng isang
                   pangngalan o panghalip. Tinatawag din itong tambilang o
                   salitang bilang.