Tuesday, June 28, 2011

Kaangkupan ng Salita

May mga salita sa Filipino na may kinaaangkupang kahulugan batay sa gamit nito sa pangungusap. Kaya naman kailangang maging maingat tayo sa pagpili ng mga salitang ating gagamitin sa pagpapahayag.

       
          Di-angkop: Iwasang magsalita kung may laman p.a ang bunganga.
          Angkop: Iwasang magsalita kung may laman pa ang bibig.


Monday, June 27, 2011

Ang mga Bagay-bagay


Maraming mga bagay na ating nakikita o di kaya ay ginagamit subalit hindi natin batid ang tawag sa mga ito. Kabilang dito ang mga sumusunod:

estutsebag o anumang lalagyan ng instrumentong ginagamit ng mga doktor.

lumbo – tabong inuman na yari sa bao ng niyog.

damahuwana – malaking boteng maikli at maliit ang leeg at karaniwang nababalutan ng      nilalang yantok. 

paleta – hugis-pusong haluan ng pintura ng mga pintor; kasangkapang ginagamit ng mga kantero sa pagpapantay ng semento.

ulabat – harang sa pinto na lampas-tuhod ang taas, upang hindi makalabas ang mga batang bago pa lamang nag-aaral lumakad.

Wednesday, June 22, 2011

Ingklitik

Maaaring magamit ang mga ingklitik sa pagbibigay ng iba’t ibang kahulugan sa pangungusap o palagay

Kumain muna sila bago umalis.
Kumain yata sila bago umalis.


Tuesday, June 21, 2011

Gamit ng Pangngalan

Alam nating ang pangngalan ay bahagi ng pananalita na tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, hayop, lugar at pangyayari. Ngunit alam mo bang maaaring magkaroon ng iba’t ibang gamit ang pangngalan sa loob ng pangungusap?

Paksa – ito ang bahaging pinag-uusapan sa  pangungusap.


Kaganapang pampaksa – tumutukoy o nagbibigay-turing sa paksa . Pinangungunahan ito ng panandang ay kung nasa di karaniwang ayos ang pangungusap.


Tuwirang layon – ito ang bumubuo sa diwang ipinahahayag ng pandiwa at sumasagot sa tanong na ano.


Layon ng pang-ukol – ito ang pinaglalaanan ng kilos at ginagamit pagkatapos ng mga pang-ukol.

      

Pangngalang pamuno – tumutukoy sa nauunang pangngalan at nagpapaliwanang ng kahulugan nito.

        
Pangngalang panawag – ginagamit sa tuwirang panawag.

Monday, June 20, 2011

Pagbabalangkas

Ang pagbabalangkas ay maayos na pagtatala ng mga pangunahing kaisipan o paksa ayon sa pagkakasunud-sunod sa isang katha o seleksyon.

ANYO NG BALANGKAS

Papaksa – isinusulat ito sa anyong parirala
Pangungusap – isinusulat sa buong pangungusap

PARAAN SA PAGGAWA

  1. Hanapin o alamin ang pangunahing diwa ng buong seleksyon.
  2. Isulat ito bilang pinakapamagat ng balangkas
  3. Isulat ang pangunahing diwa ng bawat talata na bumubuo sa seleksyon.
  4. Gamitin ang roman numerals (I, II, III…) sa pagsulat ng pangunahing diwa o paksa.
  5. Gamitin ang malaking letra sa pagsulat ng unang salita at lahat ng mahahalagang salita ng bawat pangunahing diwa.
  6. Maglagay ng tuldok pagkatapos ng roman numerals at malaking letra.
  7. Isulat nang may pasok sa ilalim (indention) ng pangunahing diwa ang mga kaugnay na paksa.
  8. Gamitin ang malaking letra (A, B, C…) sa bawat kaugnay na paksa (sub topic).
  9. Gamitin ang arabic numerals (1, 2, 3…) sa unahan ng mga detalye na sumusuporta sa kaugnay na paksa.
10.Isulat ito nang may pasok sa ilalim ng kaugnay na paksa. Simulan   
     ito sa malaking letra.

Monday, June 13, 2011

Kasidhian ng Salita

Sa pag-aantas ayon sa kasidhian ng salita ang halakhak ang pinakamalakas na klase ng pagtawa ng isang tao. Sinusundan lamang ito ng hagikgik, tawa, ngiti, at ngisi na siya namang pinakamahinang klase ng pagtawa.



Kapit-Tuko

Ang kapit-tuko ay isang metapora na nangangahulugang kumapit nang mahigpit.

Halimbawa:

            Kapit-tuko ang bata sa saya ng ina habang namimili sa mataong
          pamilihan.

Wednesday, June 8, 2011

Sila, Nila, Sina, Nina, Kina

Ang sila at nila ay mga panghalip panao at hindi sinusundan ng pangngalan, samantalang ang sina, nina at kina ay pantukoy na maramihan at sinusundan ng pangalan ng tao.


Tandaan: Walang salitang kila kaya ito ay di-nararapat gamitin.

Tuesday, June 7, 2011

Uri ng Pangungusap Ayon sa Gamit

Ang pangungusap ay lipon ng mga salitang may buong diwa. May apat na uri ng pangungusap ayon sa gamit.

PASALAYSAY – ito ang uri ng pangungusap na nagkukwento o nagsasalaysay ng pangyayari. Ito ay nagtatapos sa tuldok.


PATANONG – ito ang uri ng pangungusap na nagtatanong at nagtatapos sa bantas na tandang pananong (?).


PAUTOS/PAKIUSAP – uri ng pangungusap na nag-uutos samantalang ang pakiusap ay pangungusap na nakikiusap o nakikisuyo.


PADAMDAM – uri ng pangungusap na nagpapahayag ng matinding  damdamin. Maaaring pagkatuwa, pagkabigla, pagkatakot o pagkalungkot. Ito ay nagtatapos sa bantas na padamdam (!).


Monday, June 6, 2011

Pinto at Pintuan


image from: closetsideas.com
Ang pinto ay bahagi ng gusali na isinasara at ibinubukas, samantalang ang pintuan ay ang espasyong dinaranan.
Halimbawa:
  1. Kumatok ka sa pinto bago ka pumasok.
  2. Maaaring idaan sa pintuan ang bagong biling sopa.

Sunday, June 5, 2011

Patalastas


image from: mukamo.com

Ang patalastas ay mabisang instrumento ng komunikasyon at gumaganyak sa tao na kumilos. Sa pamamagitan nito ay naipaaabot sa kaalaman ng marami ang isang nalalapit na mahalagang okasyon o pangyayari. Mababasa rito ang mahahalagang impormasyon tungkol sa isang pangyayari.

Uri ng Pang-abay

Pang-abay na Panlunan – tumutukoy sa lugar na pinangyarihan, pinangyayarihan o pangyayarihan ng kilos ng pandiwa.


Pang-abay na Pamanahon – nagsasaad kung kailan naganap, nagaganap o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa.


Pang-abay na Pamaraan – naglalarawan kung paano naganap, nagaganap o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.


Saturday, June 4, 2011

Salawikaing Filipino

Kapag may isinuksok,
may madurukot.

Aanhin pa ang damo,
Kung patay na ang kabayo.

Habang maiksi ang kumot,
Matutong mamaluktot

Kung ano ang puno,
Siya ring bunga.


Ang mga salawikain ay mga kasabihang nagpapahiwatig ng mga aral sa buhay, mga paniniwala at katotohanan. Sinasambit ito para gabayan ang mga kabataan sa mga kagandahang-asal.

Friday, June 3, 2011

Pang-uring Panlarawn at Pamilang

Ang pang-uri ay bahagi ng pananalita na nagbibigay katangian o naglalarawan sa pangngalan o panghalip.

Dalawang Uri:

Panlarawan – nagbibigay-katangian o naglalarawan sa hitsura, ugali,
                      kulay, hugis, amoy, lasa, o tunog ng isang pangngalan o
                      panghalip.

      
Pamilang – nagbibigay-katangian ito sa dami, bilang o halaga ng isang
                   pangngalan o panghalip. Tinatawag din itong tambilang o
                   salitang bilang.

         

Wednesday, June 1, 2011

Pokus ng Pandiwa

Ang pokus ay nagpapakilala ng kaugnayan ng iba’t ibang panlapi ng pandiwa sa naging posisyon ng paksa sa pangungusap.

Pokus sa aktor – ang paksa ang siyang tagaganap ng kilos. Ginagamitan ito ng mga panlaping nag-, mag-, -um-, ma-, mang-, maka-, makapang-

Pokus sa layon – ang layon ng pandiwa ang siyang nagiging paksa ng pangungusap. Ginagamitan ito ng mga panlaping i-, -in/-hin, -an/-han, -ipa, ma-, paki—at pa-

Pokus sa ganapan – ang pokus ay nasa lokasyon. Ginagamitan ito ng mga panlaping –an/-han at –ih/-hin.

Pokus sa pinaglalaanan – ang binibigyang-diin ay ang bagay o taong pinaglalaanan ng kilos. Ginagamitan ito ng mga panlaping ipag-, at ipinag-.

Pokus sa instrumento – ang paksa ay an ginagamit sa pagganap ng kilos. Ginagamitaan ito ng mga panlaping ipang- o pang-.