Maliban sa ng at nang, marami pa rin ang nalilito sa kung kailan ba talaga dapat gamitin ang may at mayroon.
Hindi tulad ng NG at NANG na hindi halos makikita ang pagkakaiba at sinasabi ngang maaari nang pagpalitin, ang MAY at MAYROON ay may tanging gamit na kapag napagpalit ay makaaapekto sa paraan ng pakikipagtalastasan.
Gamit ng May
- Ginagamit ang may kapag sinusundan ng pangngalan, pang-uri, pandiwa, pang-abay, at panghalip sa anyong paari
Halimbawa: May batang pumasok sa silid.
Ang blusa ay may magandang kulay.
Nang dumating ako ay may bumati sa aking kaibigan.
May mahusay magtalumpati sa klaseng iyan.
May kanya-kanyang silid ang magkakapatid.
- Ginagamit din ito kapag sinusundan ng mga at sa na ginagamit upang maglarawan.
Halimbawa: May mga nagkalat ng papel sa ilalim ng mesa.
Kakaiba talaga si Kulas, may-sa palos ang taong iyon!
Gamit ng Mayroon
- Ginagamit ang mayroon kung sinusundan ito ng panghalip na nasa anyong palagyo.
Halimbawa: Mayroon akong bagong sapatos.
- Ginagamit ang mayroon bilang pansagot sa tanong.
Halimbawa: May pasok ba ngayon? Mayroon.