Monday, July 18, 2011

Wikang Tiruray


Ang mga Tiruray ay pangkat-etniko na matatagpuan sa Maguindanao at Sultan Kudarat. Pangunahin nilang ikinabubuhay ang pagsasaka, pangangaso, pangingisda, at paghahabi ng mga basket. Malaking bahagdan ng kanilang populasyon ay patuloy pa ring isinasagawa ang kanilang katutubong kaugalian at mga ritwal.

Wikang Tiruray ang tawag sa kanilang wika. Kapansin-pansin sa kanilang wika ang paggamit ng titik F sa kanilang mga salita. Ilang halimbawa nito ay ang sumusunod:

fadi – kahoy na espadang ginagamit sa pagsasayaw ng mga Tiruray

fagafulan – tansong kahon na lalagyan ng apog at nganga

faguntang – uri ng bitag ng mga Tiruray na ginagamitan ng torso para   mahulog sa   matutulis na kawayan ang nasa bitag

falendag – manipis na kawayang may apat na butas na ginagamit na     instrumentong pangmusika ng mga Tiruray

fekon – tawag sa pagbibilad ng palay

fuyu – tawag sa sarong na ginagawang duyan ng bata

Thursday, July 14, 2011

Bahagi ng Pahayagan

Ang pahayagan ay naglalaman ng balita, impormasyon, at patalastas. Kadalasan itong inilalathala ng araw-araw o lingguhan. 

Mga Bahagi o Pahina ng Pahayagan

Pangmukhang Pahina – makikita rito ang pangalan ng pahayagan at ang mga pangunahin o mahahalagang balita.

Balitang Pandaigdig – mababasa sa pahinang ito ang mga balitang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Balitang Panlalawigan – mababasa rito ang mga balita mula sa mga lalawigan sa ating bansa.

Pangulong Tudling/ Editoryal – sa pahinang ito mababasa ang kuru-kuro o puna na isinulat ng patnugot hinggil sa isang napapanahong paksa o isyu.

Balitang Komersyo – dito mababasa ang mga balita tungkol sa kalakalan, industriya, at komersyo.  

Anunsyo Klasipikado – makikita rito ang mga anunsyo para sa iba’t ibang uri ng hanapbuhay, bahay, lupa, sasakyan, at iba pang kagamitang ipinagbibili.

Obitwaryo – ang pahinang ito ay anunsyo para sa mga taong namatay na. Nakasaad dito kung saan nakaburol at kung kailan ililibing ang namatay.

Libangan – ito ang pahina sa mga balita tungkol sa artista, pelikula, telebisyon, at iba pang sining. Naririto rin ang mga krosword, komiks, at horoscope.

Lifestyle – mababasa sa pahinang ito ang mga artikulong may kinalaman sa pamumuhay, tahanan, pagkain, paghahalaman, at iba pang aspeto ng buhay sa lipunan.

Isports – naglalaman ito ng mga balitang pampalakasan.

Wednesday, July 6, 2011

Ano'ng Trabaho Mo?


May mga hanapbuhay sa kasalukuyan na may ibang dating pangalan. Narito ang ilan sa mga ito:

Ang anluwagi ay gumagawa ng bahay at iba pang kasangkapang yari sa tabla o kahoy. Sa kasalukuyan tinatawag natin silang karpintero.

Ang abyador ay taong nagpapalipad ng eroplano sa himpapawid. Mas kilala sila sa tawag na piloto.

Ang kantero naman ang taong ang gawain ay nauukol sa paggamit ng semento. Sila ang tinatawag na mason sa ngayon.

Ang kansyonista ay taong ang hanapbuhay ay sumulat ng awit. Tinatawag natin sila ngayong kompositor.

Ang kosturera ay tawag sa mananahi ng damit. Sila ang mga tinatawag nating mananahi, modista, o sastre.

Bagaman


Ang bagaman ay pang-ugnay na nagpapahayag ng pagsalungat o pagkontras. Sa ingles, katumbas ito ng ‘although’. Ang pangatnig na bagamat ay hindi naiiba sa pang-ugnay na bagaman batay sa kahulugan maliban sa ang bagamat ay pinagsamang ‘bagaman’ at ‘at’.